BuCor ipinagamit ang mga nasasakupang tubig sa Puerto Princesa LGU
Nagpaabot ng pasasalamat ang Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. sa pagpapahintulot nito sa lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa City Water District na gamitin ang Sta. Lucia River, Inagawan River at iba pang mapagkukunang tubig na nasa hurisdiksyon ng BuCor para may magamit ang mga residente doon.
Sa resolution no. 605-2023, inilahad ng Sanguniang Panlungsod ng Puerto Princesa City na ang BuCor sa pamamagitan ng Iwahig Prison and Penal Farm, ang namamahala sa Sta. Lucia River, Inagawan River iba pang sources ng tubig sa nasabing lungsod.
Idinagdag pa rito na ang BuCor sa ilalim ng liderato ni DG Catapang ay agad pumayag sa kahilingan ng Puerto Princesa City Water District (PPCWD) na gamitin ang mga pinagkukunang tubig para sa mga residente upang patuloy na tamasahin ang ligtas na supply ng tubig.
Bilang pagkilala sa kabutihan ni Catapang, kaagad na tinugon naman ng August Body ang hakbang at nagkaisang aprubahan ang mosyong inihain ni City Councilor at Majority Floor Leader Modesto V. Rodriguez II para pasalamatan ang BuCor chief.
Pinasalamatan din ni Catapang ang Puerto Princesa at ang lokal na pamahalaan sa pamumuno nina Mayor Lucilo Bayron at City Vice Mayor, Maria Nancy Socrates.
Siniguro pa ni Catapang na ang BuCor ay laging bukas sa pagtulong at kooperasyon sa anumang kapasidad kung kinakailangan lalo na sa mga lugar na doon matatagpuan ang ating prison and penal farms. (Bhelle Gamboa)