NCRPO bar passers at mga bagong Police Colonels pinarangalan
Bilang pagkilala sa walong mga bagong abogadong pulis at apat na mga bagong promote na Police Colonels ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ginawaran sila ng parangal ni Regional Director Major General Edgar Alan O. Okubo.
Kabilang ang walong PNP personnel ng NCRPO sa 3,992 bar examinees na pinalad makapasa sa kakatapos lamang na November 2022 Bar Examinations.
Kinilala ang mga bagong abogadong pulis na sina LtCol Erving D. Chan ng Makati City Police Station; MSg Jose Mari Q. Whiteside ng Southern Police District, SSg Jerusalem B. Dulnuan ng Pasig City Police Station; SSg Marie Rachelle V. Dulnuan ng Pasig City Police Station; SSg Desiree C. Pasong ng Office of the Regional Director; SSg Lovely May B. Janquin ng Regional Mobile Force Battalion, at Cpl Dizzy B. Dominong ng SPD.
Habang ang apat na bagong hirang na Police Colonels ay sina Col. Ronaldo A. Plecerda, Chief, DPRMD, SPD; Col. Ferdinand L. Balgoa, Chief, DLD, NPD; Col. Geovanny Emerick A. Sibalo, Battalion Commander, DMFB, QCPD; at Col. Donna N. Villareal, Chief, RLO, NCRPO.
Nagpasalamat ang mga ito sa natanggap na parangal at suporta mula sa pamunuan ng NCRPO maging sa kanilang mahal sa buhay dahil sa mahabang pang-unawa at pagtitiwala sa kanilang kakayahan.
Samantala, malugod namang tinanggap ng mga bagong Police Colonel ang hamon ng panibagong ranggong iginawad sa kanila at nangakong mas patataasin pa ang antas ng paglilingkod na kanilang ibinibigay sa mga mamamayan ng Metro Manila.
“Masaya akong masaksihan ang matagumpay ninyong pagharap sa panibagong hamon sa inyong mga karera bilang mga alagad ng batas. Sa pagpapalawig ninyo ng inyong propesyon, kasabay nawa nitong lumawig din ang inyong pagnanais na higit na mapaghusay pa ang inyong paglilingkod sa taumbayan. Sama-sama tayong maglingkod ng buong husay at katapatan,” mensahe ni MGen Okubo.
Ipinaabot din niya ang kanyang paghanga sa husay na ipinamalas ng mga bagong abogado na nagdala ng karangalan para sa NCRPO.
“Malugod ko ring binabati ang mga bagong abogado sa ating hanay. Umaasa ako na gagamitin ninyo ang inyong angking talino sa batas upang higit na makatulong sa ating mga kababayan at makatiyak na wasto ang ating kapamaraanan sa pag-iimbestiga at pagsasampa ng mga reklamo. Sa tulong ninyo posible na tayong makapaghandog ng libreng serbisyong legal sa ating mga mamamayan sa ilalim ng NCRPO Development Framework,” dagdag pa ni RD Okubo. (Bhelle Gamboa)