6 Chinese, 1 Pinoy arestado sa operasyon ng NCRPO

6 Chinese, 1 Pinoy arestado sa operasyon ng NCRPO

Naaresto ang anim na Chinese nationals at isang Pinoy na suspek sa ikinasang operasyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pamumuno ni Regional Director, Major General Edgar Alan Okubo.

Matapos ang ilang linggong pagmamatyag ay nagsagawa ang mga tauhan ng Regional Intelligence Division ng NCRPO ng buy-bust operation sa Tambo, Parañaque City na nagresulta sa pagkakaaresto ng pitong suspek na pinangalanan.

Isang confidential informant ang nagsumbong patungkol sa umano’y iligal na panggagamot at pagbebenta ng mga gamot na sinasabing ginagamit sa abortion sa naturang lugar.

Bumili ng gamot na ginagamit pampalaglag ang asset ng pulisya at nang makumpirma ay agad na pumasok ang mga operatiba at dinakip ang mga akusado.

Nasamsam sa mga suspek ang P3,000 marked money, at mga pakete ng mga gamot.

Kasalukuyang nasa kustodiya pa rin ng NCRPO ang mga ebidensya at ang mga suspek upang sumailalim sa masusing imbestigasyon at karagdagang dokumentasyon.

Sasampahan ang pitong akusado ng kasong illegal practice of medicine na nakapaloob sa Republic Act 2382 o Medical Act of 1959 at paglabag sa Food, Drug, and Cosmetic Act na kilala rin na Republic Act 3720.

“Ang tagumpay ng operasyong ito ay patunay ng hindi matatawaran ang pagkakaisa ng pamayanan at kapulisan laban sa lahat ng uri ng krimen sa pamayanan. Makakaasa ang ating mga kababayan na hindi titigil ang inyong NCRPO upang tiyaking ligtas at panatag ang ating pamayanan,” dagdag ni MGen Okubo. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *