NCRPO nagbigay ng 1 week na palugit sa Caloocan CPS para tukuyin ang nasa likod ng indiscriminate firing at naghagis ng granada sa NPD DDEU Headquarters

NCRPO nagbigay ng 1 week na palugit sa Caloocan CPS para tukuyin ang nasa likod ng indiscriminate firing at naghagis ng granada sa NPD DDEU Headquarters

Isang linggong palugit ang ibinigay ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director, Major General Edgar Alan O. Okubo sa Caloocan City Police Station upang matukoy kung sino ang mga walang habas na nagpaputok ng baril at naghagis ng granada sa tanggapan ng Northern Police District – Drug Enforcement Unit at CIDG North Metro Manila District Field Unit noong May 20, 2023.

Bagama’t walang nasugatan sa nasabing insidente, importanteng malaman aniya kung sino ang may kagagawan nito at kung ano ang kanilang motibo.

Sa kasalukuyan, ipinag-utos ni MGen Okubo kay BGen Ponce Rogelio Peñones,NPD District Director na alisin sa puwesto sina Lt.Col Michael Chavez hepe ng NPD DDEU; Maj. Dennis Odtuhan, Assistant Chief, NPD DDEU; at Capt. Ivan Rinquejo,Commander ng Sub Station 4 upang bigyang daan ang masusing imbestigasyon hinggil sa naturang pangyayari.

“Mariing kinukondena ng NCRPO ang ganitong klase ng pag-atake at maling gawain. Nalagay sa panganib ang buhay hindi lamang ng ating kapulisan kundi maging ang buhay ng ating mga kababayan na naroon sa nasabing lugar ng maganap ang insidente,” sabi ni Okubo.

Sinabi pa ng NCRPO chief na hindi pahihintulutan ang mga indibiduwal na ito na magdulot ng sakuna laban sa kaligtasan at seguridad lalo na sa ating mga nasasakupan.

Hinihimok ni Okubo ang ating kababayan na makipagtulungan sa inyong kapulisan. Anumang impormasyon ang inyong maibibigay ay malaking tulong aniya sa agarang pagkakalutas at pagkakahuli ng mga taong may kinalaman dito.

“Makakaasa ang ating mga kababayan na sa kabila ng mga ganitong banta ay hindi natitinag ang inyong NCRPO sa aming layuning ipatupad ang batas at patuloy kaming magsisilbi upang matiyak ang kapanatagan at kapayapaan sa kalakhang Maynila,” pahayag pa ni Okubo. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *