267 pang PDLs, pinalaya ng BuCor
Lumaya na sa wakas ang 267 pang Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa walong prison and penal farm sa bansa na nasa ilalim ng pamamahala ng Bureau of Corrections (BuCor) ngayong May 15.
Kabilang sa mga lumaya rito ay ang 22 na PDLs na nakapagtapos ng kani-kanilang hatol mula sa Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong City.
Nabatid na 70-anyos ang pinakamatandang PDL na lumaya ngayong araw habang 22-anyos naman ang pinakabatang PDL.
Walang pagsidlan ng tuwa at saya ng mga PDLs nang tanggapin ang kani-kanilang Certificate of Discharge, grooming kit, gratuity at transportation allowance sa isinagawang seremonya ng pamamahagi sa CIW sa pangunguna nina Senator Maria Imelda “Imee” Marcos, BuCor Director General, Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., Public Attorneys Office Chief, Atty. Persida Rueda-Acosta, at mga opisyal ng Department of Justice.
Nangako si Sen. Marcos na tutulong siya sa pagpapabilis ng pagpapalaya sa mga kuwalipikadong PDLs lalo na’t batid aniya ang hirap ng kondisyon at kalagayan ng mga ito sa loob ng piitan.
Nabanggit din ng senador ang naranasang pagkakakulong noon ng kanyang namayapang ama at dating Presidente Ferdinand Marcos Sr.
Panawagan ni Sen. Marcos sa DOJ at BuCor na mas simplehan na lang ang proseso ng mga dukomento sa pagpapalaya upang agad na lumaya ang mga kuwalipikadong PDLs.
Bukod sa senadora ay personal na tutulong din aniya ang kanyang anak na abogado upang ipabatid ng personal sa Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga papeles, isyu o usapin na may kinalaman sa pagpapalaya sa PDLs.
Ayon pa sa senadora, umabot na sa kabuuang 1,600 na PDLs na ang napalaya nitong Abril 2023.
Samantala sinabi naman ni Gen. Catapang na gagawin nila ang lahat magagandang hakbang upang mapabilis ang pagpoproseso sa mga dokumentong kakailanganin sa pagpapalaya sa higit 3,000 iba pang kuwalipikadong PDLs mula sa iba’t ibang piitan.
Kabilang sa mga pinaprayoridad ni Capatang ay maigting na reporma o pagbabago sa loob ng BuCor kasama na rito ang mas maayos na mga pasilidad sa mga prison at penal farm sa bansa at ang pagpapabuti sa kapasidad at trabaho ng kanyang mga tauhan. (Bhelle Gamboa)