7,500 PDLs mula sa NBP ililipat sa ibang piitan ng BuCor

7,500 PDLs mula sa NBP ililipat sa ibang piitan ng BuCor

Aabot sa 7,500 na persons deprived of liberty (PDLs) mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang ililipat sa iba’t ibang prison and penal farms ng Bureau of Corrections (BuCor) ngayong taon.

Nitong nakaraang linggo, ininspeksiyon ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang, Jr. ang Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) bilang paghahanda sa inisyal na paglilipat sa 500 na PDLs mula sa NBP.

Nabatid na ang kabuuang 7,500 na PDLs buhat sa minimum at medium security compound ng NBP ay nasa 2,500 rito ang dadalhin sa IPPF; 2,500 iba pa ang ililipat sa Leyte Prison Penal Farm at 2,500 naman sa Davao Prison and Penal Farm habang ang mga natitira pang inmate ay itatransfer kada grupo sa mga regional prison and penal farms sa buong bansa simula sa taon 2024 hanggang 2027 bilang paghahanda sa pagsasara ng NBP sa 2028.

Paliwanag ni Catapang na ang Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro ay pansamantalang gagawin munang Heinous Crime Facility upang agad na maipatupad ang RA 11928 na popondohan naman galing sa Department of Public Works and Highways 2023 funds.

“Ideal for PDL convicted of heinous crime ang Sablayan Prison and Penal farm dahil walang cell site at mataas ang bundok,” dagdag ni Catapang.

Ang RA 11928 ay nagbibigay ng pagtatayo ng isang hiwalay na pasilidad para sa mga PDL na nahatulan sa karumal-dumal na krimen, sa kasalukuyang Military Reservations sa iba’t ibang kampo ng AFP sa Luzon, Visayas at Mindanao sa pamamagitan ng Presidential Proclamation.

Tinitignan ng BuCor sa Luzon ang Fort Magsaysay sa Nueva Ecija (may land area na 46,970 kung saan ang mungkahi ay 1,000 para sa BuCor); sa Visayas ang Camp Peralta sa Jamindan, Cadiz (may land area na 33,020 kung saan 1,000 ang nais na ilaan sa BuCor) at sa Mindanao naman ang Camp Kibaritan sa Bukidnon (may land area na 42,265 kung saan 1,000 ang posibleng ilaan sa BuCor).

Sa pagbisita ni Catapang sa probinsiya ay nakipag-usap din siya kay Palawan Governor Victorino Dennis Socrates at tinalakay ang action plan para sa IPPF kasama na rito ang ang paglalagay ng solar power plant upang asistehan ang lalawigan sa kinakailangan nitong power generation at tulungan sa inisyatibong seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng 500 na ektaryang lupa na pilot project para sa produksiyon ng pagkain.

Aniya mayroon pang alok para sa carbon trading sa property ng BuCor sa Palawan na maghahatid ng mga oportunidad na trabaho para sa mga Palawenos. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *