DOH nagbabala sa publiko sa kumakalat na impormasyon sa social media hinggil sa XBB variant ng COVID-19
Naglabas ng abiso sa publiko ang Department of Health (DOH) kaugnay sa ipinakakalat na impormasyon sa publiko hinggil sa XBB variant ng COVID-19.
Sa mga mensaheng ipinakakalat sa social media nakasaad na ang nasabing variant ng COVID-19 ay walang sintomas ng ubo at lagnat sa halip ay joint pain, sakit ng ulo, neck pain at iba pa ang mararanasan.
Ayon sa pahayag ng DOH ang COVID-19 ay nagbibigay ng flu-like symptoms gaya ng lagnat, ubo, fatigue, kawalan ng panlasa at pang amoy, sore throat, sakit ng ulo, body pain at diarrhea.
Para sa tamang diagnosis sinabi ng DOH na mas mabuting agad magpatingin sa doktor kapag nakaranas ng sintomas.
Dapat ding ituloy ang pagsunod sa health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, proper sanitation, distancing, at maayos na bentilasyon.
Nananatili din ayon sa kagawaran na ang bakuna ang pangunahing panlaban sa severe COVID-19.
Paalala ng DOH sa publiko iwasang ipakalat ang mga impormasyon mula sa mga hindi tiyak na sources. (DDC)