Taguig LGU at Muslim community nagdiriwang ng Eid’l Fitr
Sa selebrasyon ng ika-436 na taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Taguig City, nakiisa si Mayor Lani Cayetano sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr (pagtatapos ng banal na pag-aayuno ng Ramadan) kasama ang Muslim community sa Maharlika Trade Center nitong Abril 23.
Sinimulan ang masayang okasyon sa pagsali ng 250 na bata sa mga laro na tug of war, calamansi relay, at rock-paper-scissors sa kasagsagan ng Palarong Pinoy na inorganisa ng Sports Development Office – Taguig.
Itinurn-over din ng Taguig ang mga bigas sa idinaos na Kanduri o gift-giving sa trade center kung saan ang Barangay Affairs Office – Taguig ang nangasiwa sa pamamahagi sa mga bahay-bahay.
Isa sa mga adbokasiya ng alkalde na mapreserba ang pananampalataya at minanang kultura ng Muslim community.
“Yung gusto natin i-highlight ngayong araw ay hindi ‘yung pagkakaiba-iba natin kundi ‘yung pagkakapare-pareho natin. Pareho tayong naniniwala na kailangan ng pananampalataya sa Diyos. Pare-pareho tayong naniniwala sa kahalagahan ng pamilya,” pahayag ni Mayor Cayetano.
Dumalo rin sa pagdiriwang si Councilor Yasser Pangandaman at mga kagawad ng Brgy. Maharlika. (Bhelle Gamboa)