Processed meat products nakumpiska sa 3 Chinese nationals sa NAIA
Kinumpiska ng mga operatiba ng Bureau of Animal Industry ng Ninoy Aquino International Airport ang 29.7 na kilo ng processed meat products na dala ng tatlong pasaherong Chinese nationals mula China nang dumating ang mga ito sa NAIA Terminal 1.
Kaagad na sinamsam ng otoridad ang 12 na kilo ng dried pork meat at 3 kilo ng longganisa na nasa bagahe ng isang Chinese galing ng Jinjiang China.
Habang 1.1 kilo ng dried pork meat naman ang nasabat sa isa pang pasaherong Chinese.
Narekober din ang 12.1 kilo ng dried pork meat at 1.5 kilo na chicken feet na bitbit ng isa pang Chinese passenger ng magkaparehong flight MF-819 mula Jinjiang China.
Nabatid na naharang ng Bureau of Customs ang mga nasabing processed meat products matapos dumaan ang mga bagahe ng tatlong pasahero sa X-ray machine sa naturang airport.
Ayon sa BAI umiiral pa rin ang total ban para sa mga produktong karne kahit processed meat na walang kaukulang permit dahil sa mga banta ng peste na posibleng dala nito.(Bhelle Gamboa)