Ilang bus terminals ininspeksyon ng MMDA ngayong Semana Santa
Sa pagdagsa ng maraming pasahero na uuwi sa mga probinsiya ngayong Semana Santa, ininspeksyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ilang bus terminals sa Cubao, Quezon City.
Kabilang sa mga bus terminal na ininspeksyon ay ang Five Star, Genesis Transport Services, at Baliwag Transit.
Pinangunahan nina MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes at General Manager Usec. Procopio Lipana ang pag-inspeksyon sa bus terminals kasama ang PNP – Highway Patrol Group, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at lokal na pamahalaan ng Quezon City.
“We want to ensure the orderly and safe travel of passengers going to the provinces for the Lenten break,” diin ni Artes.
Aabot sa 42 na bus drivers at konduktor ang isinailalim sa random drug test.
“No driver or conductor has been tested positive for drug use,” ani Artes.
Sinabi ni PDEA-NCR Regional Director Emerson Rosales na kapag nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga ang isang bus driver ay hindi na papayagan pang magmaneho.
Ang random drug testing ay pinangasiwaan ng MMDA Medical Clinic sa pamumuno ni Dr. Annabelle Ombina at ng PDEA.
Binanggit pa MMDA chief na pinapayagan ang provincial buses na bumaybay sa EDSA simula Abril 3-5 magmula alas-10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng madaling araw; at mula Abril 6-10 ng 24-oras upang serbisyuhan ang pagdagsa ng mga pasahero.
Samantala, suspendido ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme sa Metro Manila sa panahon ng Semana Santa simula Abril 6 hanggang Abril 10 na idineklarang mga pistal opisyal o holidays.
Bukad, Abril 5 ay suspendido rin ang number coding ng alas-5:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi.
Sa ilalim ng Oplan Metro Alalay Semana Santa 2023 ng MMDA, nasa kabuuang 2,104 na tauhan ng ahensya ang ipinakalat sa mga pangunahing kalsada, transport hubs, at mahahalagang lugar sa Metro Manila upang siguruhin ang ligtas at maayos na daloy ng trapiko ngayong Kwaresma.
Ang mga dineploy na tauhan ay pinagbabawalang lumiban o mag-absent sa Abril 5, 6, at 10, habang ipatutupad naman ang skeletal deployment sa Abril 7, 8, at 9 para pagtuunan ang tradisyunal na Visita Iglesia sites, kasama ang Panata Route papuntang Antipolo at ng the Grotto.
Naatasan naman ang Multi-Agency Command Center (MACC) na nasa MMDA Metrobase,na magmonitor real-time updates sa mga bus terminals sa buong Metro Manila. Sinimulan ng MACC ang kanyang pagmomonitor kahapon na magtatagal hanggang Abril 6,Huwebes Santo. (Bhelle Gamboa)