Phivolcs nagpadala ng Quick Response Team sa Davao de Oro dahil sa nararanasang magkakasunod na lindol
Nagpadala ng mga eksperto sa Davao de Oro ang Phivolcs para aralin kung may kinalaman sa volcanic activity ang magkakasunod na lindol na nararanasan sa lalawigan.
Sa post sa official Facebook page ng Phivolcs, sinabing nagpadala ng Volcanic Team para magsagawa ng information dissemination at kumuha ng water samples mula sa Leonard Kniaseff Volcano.
Ang Leonard Kniaseff Volcano ay isang stratovolcano na nasa pagitan ng munisipalidad ng Maco at Mabini sa Davao de Oro.
Tutukuyin ng nasabing mga eksperto kung may kinalaman sa volcanic activity ang mga pagyanig na nararanasan sa lalawigan.
Simula noong March 6 ay nakaranas na ng mahina hanggang katamtamang lakas ng pagyanig pare-parehong lugar sa Davao De Oro.
Kabilang dito ang may lakas na magnitude 5.9 at magnitude 5.6 noong March 7.
Ayon sa Phivolcs, umabot na sa 1,385 na pagyanig ang kanilang naitala hanggang noong March 11 na may magnitude na 1.5 hanggang 5.9. (DDC)