MIAA, BI reresolbahin ang mahabang pila sa Immigration counters
Nagtutulungan na ang Manila International Airport Authority (MIAA) at ang Bureau of Immigration (BI) para mabawasan ang nararanasang congestion sa mga paalis na pasahero sa immigration counters sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), partikular na sa Terminal 3.
Ito ay kasunod ng mga reklamong natanggap ng MIAA na may mga naiiwanan ng kanilang flights dahil sa mahabang pila sa counters in their social media channels.
Ayon kay MIAA General Manager Cesar Chiong, nangako ang BI na magdaragdag ng kanilang manpower para maiwasan ang paghaba ng pila ng mga pasahero.
Sinabi ni Chiong na dinagdagan na ng MIAA ang bilang ng immigration counters.
Sa Terminal 3 mula sa 26 ay mayroon na ngayong 29 counters.
Hiniling din ng MIAA sa mga airline company na buksan ng mas maaga ang kanilang check-in counters.
Humingi naman ng pang-unawa sa publiko si Chiong at tiniyak na ginagawa ng MIAA ang lahat ng hakbang para maabot ng NAIA ang pagiging world-class. (DDC)