Major General Edgar Alan Omas Okubo bagong NCRPO chief

Major General Edgar Alan Omas Okubo bagong NCRPO chief

May bagong pinuno ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa katauhan ni Major General Edgar Alan Omas Okubo.

Mismong si Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Rodolfo S Azurin Jr. Ang nangasiwa sa turnover command ceremony para kay MGen Okubo sa Hinirang Hall, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

Pinasalamatan ni Azurin si outgoing Regional Director, MGen Jonnel C. Estomo para sa kanyang hindi matatawarang liderato at dedikasyon sa tungkulin at winelcome si Okubo na mula sa Special Action Force (SAF).

Inihayag naman ni Estomo ang kanyang pasasalamat sa lahat ng suporta ng NCRPO family sa kanyang mga plano at programa sa panahon ng panunungkulan nito bilang Regional Director.

Nagpaabot din si Estomo ng pagbati kay Okubo at sinabing kumpiyansa aniya siya na lalo pang magtatagumpay ang NCRPO sa pagpapatuloy ng laban nito sa lahat ng uri ng kriminalidad, ilegal na droga at terorismo sa Metro Manila.

Pinasalamatan din ni Estomo si SILG, Atty. Benjamin C Abalos, Jr. at sa liderato ng PNP para sa tiwala sa kanya na maging bagong Deputy Chief PNP for Operation na nakabase sa Camp Crame, Quezon City.

“Life is Beautiful. Kaligtasan mo, Sagot ko. Tulong-tulong tayo. Together, let us work towards a safer and more secure National Capital Region, and let us always remember that our ultimate goal is to serve the people with honor, integrity, and excellence,” sabi ni Gen Azurin Jr.

Si Okubo ang unang (Lakan) graduate ng Philippine National Police Academy na naitalaga bilang Regional Director ng NCRPO.

Nakasentro ang mga plano at programa ni Okubo sa pagpapabuti ng “Pulis sa Barangay” deployment na naka-angkla sa KASIMBAYANAN (Kapulisan, Simbahan at Pamayanan) program at pagbibigay importansiya sa mga residente sa komunidad na binalewala at hindi nakakakuha ng mga serbisyo ng pamahalaan.

Ayon pa sa kanya pag-iibayuhin niya ang internal cleansing at ng mga operasyon kontra ilegal na droga na ipagpapatuloy sa susunod na lebel.

Pananatilihin din niya ang katahimikan at kaayusan sa Metro Manila at patuloy ang pagbibigay seguridad at proteksiyon sa mga mamamayan nito.

Samantala dahil sa sunud-sunod na pananambang sa ilang pulitiko, inatasan ni Okubo ang mga station commanders sa Metro Manila na magsagawa ng assessment kung may banta sa buhay ang mga nanunungkulan sa bayan upang maagapan ang anumang mangyayaring krimen. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *