Suporta ng lipunan kailangan sa distance learning – LAHAT MAY TAMA
Tila nanganay ang sektor ng akademya sa pampublikong paaralan nang simulang ipatupad ng Department of Education ang Distance Learning. Iyan ang tawag sa “new normal” sa larangan ng edukasyon sa Pilipinas sa harap ng banta ng COVID-19.
Bagaman, may mga grupo ang nanawagan na huwag na munang ituloy ang School year 2020-2021 sa paniwalang mas makabubuti ito para sa kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante, mga magulang at maging ng mga guro ay itinuloy pa rin ng DepEd ang pasukan.
Maraming aberya ang naiulat sa pagsisimula ng distance learning, pangunahin diyan ang mabagal na koneksiyon ng internet.
Naniniwala tayo na tama ang hangarin ni Education Secretary Leoner Briones na huwag ipagpaliban ng tuluyan ang pasukan ngayong taon sa dahilan na hindi dapat maantala ang pag-aaral ng mga bata kahit pa may banta ng pandemya. Sabi nga niya sa kanyang mensahe sa School opening noong Lunes, Oct. 5, na napagtagumpayan o “Great Victory” na maituturing laban sa COVID-19 ang pagbabalik eskuwela kasabay ng selebrasyon ng “World Teachers day.”
Pero hindi lamang koneksiyon sa internet ang naging hamon sa mga mag-aaral kundi maging ang mga “modules” na ginagamit bilang gabay ng mga estudyante sa klase. Pano ba naman kasi maliban sa mga naengkuwentro nilang mali-mali sa ilang paksa sa modyul pati mga magulang ay hirap na limiin ang mga nakasaad dito.
Mahigit 22 milyung mga estudyante sa mga pampublikong paaralan ang sumabak sa distance learning na ang iba ay hindi nakadalo sa virtual classes sanhi ng unreliable internet connectivity.
Kasama din sa opsiyon sa distance learning ang mga programang pang edukasyon na umeere sa telebisyon at radyo sa iba’t-ibang panig ng bansa pero sadyang distansiya ang layo nito sa aktuwal o “Face to Face” class.
Hindi man tayo sumang-ayon sa pasya ng DepEd na ituloy ang pasukan sa kabila ng krisis na kinahaharap ng bansa ay marapat na huwag na lamang natin hamakin ang diskarte nila, tutal para din naman sa kapakanan ng ating mga anak ang hangarin nito.
Hindi sagot ang patuloy na batikos laban sa kagawaran ng edukasyon dahil ang suporta natin ang mahalaga sa kasalukuyan upang mapag-ibayo nila ang makabagong sistema sa edukasyon.
Di po ba mas mainam na may pagkaabalahan ang mga bata, sa halip na maghapong nakatunganga o di kaya ay malantad sa ibang bagay na ikasasama nila?
Kailangan sumabay na lamang tayo sa hinihingi ng pagkakataon upang hindi mapag-iwanan ang mga kabataan.
Sa totoo lang dapat pa ngang saluduhan ang DepEd sa pagsusumikap nila na sagupain ang hamon ng pandemya para sa tuloy-tuloy na edukasyon ng mga mag-aaral.
Sa kabilang banda ay umantabay tayo sa pagtugon ng mga telcos sa panawagan ng gobyerno na palakasin ang kanilang imprastraktura lalo’t matindi na ang pangangailangan nito para sa new normal sa edukasyon at komersiyo.
Walang puwang sa lipunan ang puro reklamo, sumabay at tumugon na lamang sana ang lahat para sa hangarin ng DepEd .
Nag-iba na ang inog ng mundo, huwag natin hayaan na lamunin tayo ng tuluyan ng pandemya gayung may pagkakataon naman para magbago tayo ng taktika at diskarte para ituloy ang buhay.
Ang bukas na kaisipan sa anumang pagbabago ay bahagi rin ng “new normal.”
Huwag natin sanang kalilimutan na ang edukasyon ang siyang pundasyon ng matatag na pamayanan. Kung hindi kasi natin isasaalang-alang ang edukasyon na siyang mahalagang aspekto ng buhay at sibilisasyon lahat tayo ay tatamaan.