Patuloy na pagpapatupad ng maritime law sa West PH Sea iniutos ni NSA Eduardo Año
Inatasan ni National Security Adviser Sec. Eduardo Año ang Philippine Coast Guard (PCG) na patuloy na ipatupad ang maritime law sa West Philippine Sea.
Kasunod ito ng panibagong insidente na naganap sa Ayungin Shoal sangkot ang barko ng Chinese Coast Guard.
Ayon kay Año prayoridad ng PCG ang pagsiguro sa kaligtasan ng mga mangingisda at pag-suporta sa resupply operations sa mga tropa na nasa BRP Sierra Madre.
Ayon sa PCG, dalawang beses na tinutukan ng laser light ng barko ng China ang BRP Malapascua sa Ayungin Shoal noong Feb. 6, 2023.
Lumapit din ang barko ng China sa PCG Vessel.
Nangyari ang insidente habang ang BRP Malapascua ay nagsasagawa ng rotation at resupply mission at maghahatid sana ng pagkain at iba pang suplay para sa mga tropa na naka-destino sa BRP Sierra Madre. (DDC)