P20M halaga ng ari-arian naabo sa sunog sa warehouse sa Parañaque
Tinatayang P20 milyong halaga ng mga ari-arian ang natupok ng apoy sa naganap na sunog sa isang warehouse sa Parañaque City.
Sa inisyal na ulat ng Parañaque City Bureau of Fire Protection, dakong alas-11:00 ng gabi nitong Linggo nagsimula umano ang apoy sa isang barracks hanggang sa mabilis na kumalat sa loob ng warehouse ng Consolidated Wood Products Incorporated na matatagpuan sa Barangay San Antonio Valley, Sucat sa nasabing lungsod.
Itinaas ng BFP sa Task Force Bravo ang alarma ng sunog dahil sa may mga katabing gasoline station at condominium building.
Mabilis namang rumesponde ang mga pamatay sunog kung saan pahirapan ang pag-apula ng malaking apoy dahil sa pabago-bagong direksiyon bg malakas na hangin.
Nabatid pa na mayroon water interruption sa lugar kaya napilitan pang kumuha o magkarga ng tubig ang mga fire truck sa karatig lungsod.
Matapos ang ilang oras ay nakontrol ng mga bumbero ang sunog sa lugar at tiniyak na hindi na maaari pang makapandamay ng mga commercial establishments sa lugar.
Patuloy na iniimbestigahan ng otoridad ang sanhi ng sunog sa lugar. (Bhelle Gamboa)