Kaso ng pagkamatay ng Pinay sa Kuwait dadaanin sa diplomasya; deployment ban hindi pa kailangan
Tumugon ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga panawagang muling magpatupad ang pamahalaan ng deployment ban sa Kuwait kasunod ng pagkamatay ng isang Pinay na natagpuang sunog ang katawan sa isang disyerto.
Ayon kay Migrant Workers Sec. Susan Ople, batid ng kagawaran na mabuti ang intensyon ng mga nananawagan sa pagpapatupad ng deployment ban sa Kuwait.
Gayunman, naniniwala ang kalihim na “social dialog” ang pinakamainam na unang hakbang sa pagresolba ng mga labor migration concern.
Sa ngayon sinabi ni Ople na idadaan ng kagawaran sa labor diplomacy ang usapin at titiyakin na maihahatid ang hustisya sa pagkasawi ng OFW na si Jullebee Ranaza.
Nagpasalamat din siOple sa mabilis na aksyon ng Kuwaiti authorities sa kaso.
Ang pangunahing suspek ay agad na naaresto wala pang 24 na oras matapos madiskubre ang katawan ng biktima.
Patuloy din ang pag-asiste ng mga otoridad sa Kuwait para sa repatriation ng mga labi ni Ranaza.
Ayon kay Ople, produktibo ang relasyon ng Pilipinas at Kuwait at inaasahang mas bubuti pa ito sa gagawing pag-rebisa sa umiiral na Bilateral Labor Agreement (BLA).
Sa ilalim ng bagong BLA ay magdaragdag pa ng proteksyon sa mga OFW sa Kuwait. (DDC)