Mahigit 50,000 na pamilya sa Eastern Visayas naapektuhan ng pag-ulan at pagbaha
Umabot na sa mahigit 50,000 na pamilya ang naapektuhan ng pag-ulan at pagbaha sa Region 8 o Eastern Visayas.
Araw ng Huwebes ( Jan. 12) nagdaos ng pulong ang Regional Disaster Risk Reduction Management Council (RDRRMC) para talakayin ang agarang tulong na maipagkakaloob sa mga naapektuhang pamilya sa rehiyon.
Ang RDRRMC Response Cluster sa pamumuno ni DSWD Eastern Visayas Regional Director Grace Q. Subong ay nagpatawag ng virtual meeting makaraang makapagtala ng 53,661 na pamilya sa rehiyon na naapektuhan ng kalamidad.
Dumalo din sa pulong sina OCD-8 Regional Director Lord Byron P. Torrecarion, OCD ARD Rey M. Gozon, executive officials mula sa Department of Interior and Local Government RO-8, Philippine Coast Guard Region 8, Philippine Army 8IB, Bureau of Fire Protection RO-8, Tactical Operations Group 8, Department of Health RO-8 at Department of Information and Communications Technology RO-8.
Bawat kinatawan ng ahensya ay naglatag ng kani-kanilang disaster response efforts simula nang makaranas ng mga pag-ulan sa rehiyon. (DDC)