3 PNP generals, 22 colonels sa Davao region nagbitiw sa puwesto
Tatlong generals at 22 colonels mula sa Police Regional Office sa Davao Region (PRO-11) ang nagsumite ng kanilang resignation bilang pagsuporta sa hakbang ng Department of Interior and Local Government (DILG) na masawata ang mga scalawags sa pambansang pulisya.
Ayon kay Brig. Gen. Benjamin Silo Jr., PRO-11 regional director, suportado nila ang panawagan ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr.
Tiniyak naman ni Silo na ang pagbibitiw sa puwesto ng mga matataas na opisyal ng PRO-11 ay hindi makaaapekto sa kanilang operational activities.
Magpapatuloy aniya ang hakbang ng pulisya sa rehiyon na paigtingin ang pagkakasa ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO).
Bagaman nagbitiw sa puwesto sinabi ni Silo na patuloy nilang gagampanan ang kanilang tungkulin habang hinihintay ang resulta ng evaluation na binuo ng five-man committee ng DILG at ng Philippine National Police (PNP).
Nakatitiyak din si Silo na wala sinuman sa PRO-11 ang sangkot sa illegal drug activities. (DDC)