DOH hiniling kay Pangulong Marcos na palawigin pa ang pag-iral ng state of calamity dahil sa COVID-19
Hiniling ng Department of Health (DOH) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawigin pa ang pagpapairal ng state of calamity sa bansa dahil sa pandemya ng COVID-19.
Sa press briefing, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na nagsumite na ng rekomendasyon ang DOH sa Office of the President para sa pagpapalawig ng deklarasyon ng state of calamity.
Nakatakdang mapaso ang deklarasyon ng state of calamity sa Dec. 31, 2022.
Sinabi ni Vergeire na noong Dec. 23 ay nakipagpulong ang DOH at ang mga ahensyang kasapi ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) para ipaliwanag sa Office of the President kung bakit kailangan ang pagpapalawig ng state of calamity.
Sa ngayon ay naghihintay na lamang ang kagawaran at ang IATF ng tugon mula sa OP.
Magugunitang isinailalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang buong bansa sa state of calamity hanggang noong Sept. 12, 2022 na pinalawig naman ni Pangulong Marcos hanggang sa katapusan ng taon. (DDC)