BREAKING: Cagayan Gov. Manuel Mamba pinatawan ng diskwalipikasyon ng Comelec
Pinatawan ng diskwalipikasyon ng Commission on Elections (Comelec) si Cagayan Governor Manuel Mamba.
Sa resolusyon ng Comelec second division, diniskwalipika si Mamba bilang kandidato bilang gobernador sa lalawigan ng Cagayan noong May 9 elections.
Ang pasya ay kaugnay ng petisyon na inihain ni Ma. Zarah Rose de Guzman Lara na nakalaban ni Mamba noong nagdaang halalan.
Inakusahan ni Lara si Mamba na sangkot sa malawakang vote buyong noong panahon ng kampanya kung saan ginamit ang pondo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan para sa mga programang “No Barangay Left Behind”, “No Town Left Behind” at Oplan Tulong sa Barangay”.
Sa akusasyon ni Lara mayroon ding P550,000,000 na halagang ipinamahagi sa lahat ng rehistradong botante sa Cagayan, kung saan ang bawat botante ay nakatanggap ng P1,000 sa ilalim ng programang “Krusada Kontra Korapsyon”.
Ayon kay Lara, ang mga hakbang na ito ni Mamba ay labag sa Sec. 68 ng Omnibus Election Code.
Sa desisyon ng Comelec 2nd Division, sinabing ang mga ebidensya laban kay Mamba ay sapat para mapatunayang lumabag ito sa Sec. 25 at Sec. 2 ng Comelec Resolution No. 10747.
Sa ilalim ng Sec.2 ng nasabing resolusyon, pinagbabawalan ang mga public official na maglabas, mag-disburse o gumastos ng public funds mula Mar. 25, 2022 hanggang May 2022.
Ayon sa Comelec, nakakuha ng Certificate of Exemption si Mamba para maituloy ang programang “No Town Left Behind”, gayunan, walang ibinigay na express exemption ang Comelec para sa “Oplan Tulong sa Barangay” at “KKK Programs”.
Sa nasabi ring resolusyon ng Comelec 2nd division, nakasaad na hindi naman napatunayang nagkasala si Mamba dahil sa vote buying. (DDC)