Operasyon ng PNR mas pinahaba pa bilang paghahanda sa Christmas rush
Simula noong Martes (Nov. 29) ng gabi ay mas pinahaba ng Philippine National Railways (PNR) ang operasyon ng mga tren nito bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga mamimili at pasahero sa Tutuban habang papalapit na ang kapaskuhan.
Dahil sa mas pinahabang oras ng byahe ng mga PNR trains, makakaasa ang mga mamimili at pasahero ng mas maraming byahe ng mga trains mula at patungong Tutuban.
Mula sa 40 hanggang 50 na biyahe ng tren araw-araw ay magiging 55 hanggang 60 na ang bilang ng biyahe.
Ang unang tren ay bibiyahe ng 4:11AM mula Tutuban, habang ang pinakahuling byahe naman ay 9:16PM mula Tutuban patungong Alabang.
Magkakaroon ng karagdagang biyahe sa gabi na magmumula sa Tutuban patungo sa San Pedro sa oras ng 8:16PM.
Samantala, magkakaroon naman ng karagdagang biyahe sa umaga na magmumula sa San Pedro patungong Tutuban sa ganap na 4:50AM.
Mayroon ding karagdagang byahe sa ganap na 5:01AM na magmumula sa Sucat patungong Tutuban.
Inaasahan na ang nasabing extended operating hours ay makakatulong sa mga pasaherong nais mamili sa Tutuban, makapagsimba sa mga karatig simbahan, at makapamasyal kasama ang kani-kanilang pamilya.
Noong 2019, nakapagtala ng 17 porsyento na pagtaas sa bilang ng pasahero ang PNR mula sa Tutuban.
Dahil sa mas pinaluwag na health protocols, inaasahan ang parehong bilang sa pagtaas ng pasahero sa istasyon. (DDC)