80 na pamilyang apektado ng sunog, patuloy na tinutulungan ng Las Piñas LGU
Nagpapatuloy ang pagtulong ng Las Piñas City Government sa 80 na pamilya o 350 na indibiduwal na apektado ng sunog sa Julio Compound, Barangay Pulanglupa Uno nitong Nobyembre 22.
Pansamantalang nanunuluyan ang mga nasunugan sa Mapayapa Village Covered Court sa nabanggit na barangay.
Pinangunahan ni Vice Mayor April Aguilar kasama si City Disaster Risk Reduction Management Office Officer-in-Charge Alejandro dela Merced ang agarang relief operation pagkatapos ng insidente.
Kabilang sa ipinagkaloob ng Las Piñas LGU ang mga packed meals, grocery items, sleeping kits, at hygiene kits.
Bukod rito nagkaroon din ng medical consultation para sa 12 residente habang nabigyan ng kaukulang gamot ang 11 iba pa, apat ang naturukan ng anti-tetanus at higit 20 na bata ang nahandugan ng mga Vitamins.
Pinagkalooban din ng nebulizer ang isang COPD at inayos ang konsultasyon ng isang pasyente na may epilepsy sa Las Piñas General Hospital.
Isa sa tatlong ginang na buntis ang mabilis na dinala sa Fabella Hospital nang biglang maglabor.
Ang kapakanan ng mga apektadong residente sa lugar ay patuloy na tinututukan at tinutugunan ng lokal na pamahalaan. (Bhelle Gamboa)