Kapakanan ng OFWs, masusing tututukan
Masusing tututukan at agad na reresolbahin ang mga problema at hinaing ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Ito ang napagkaisahan sa idinaos na pulong ng mga opisyal at miyembro ng Special Alliance of Welfare Officers, Advocates, Recruiters and Migrant Workers Inc. (SWARM) sa mga lider ng grupo ng OFW advocates sa isang hotel sa Manila City.
Ayon kay SWARM Founder Atty. David Castillon na sa isinagawang SWARM 3rd convention ay pinakinggan nila ang mga OFW advocates ukol sa mga problema at hinaing ng mga OFWs upang mabigyan ng agarang solusyon sa parte ng mga recruitment agencies.
Idinagdag pa ni Atty. Castillon nais ng grupo na tapusin na ang hindi pagkakaunawaan o sigalot sa pagitan ng mga OFWs, Welfare Officers, OFW advocates at mga recruiters upang mabilis na matulungan ang mga distressed OFW sa iba’t ibang bansa.
Mahalaga aniya ang papel ng OFW para sa suporta sa kanilang pamilya at malaking tulong din ang ambag sa ekonomiya ng bansa dahil sa mga ipinapadalang remittances.
Inamin ni Atty. Castillon na may ilang recruitment agencies ang tiwali na dapat sampahan ng kaso at maparusahan gayundin aniya sa mga pasaway na OFWs sa kanilang employers na ibinabaling din ang sisi sa bandang huli sa recruitment agencies.
Panawagan ni Atty. Castillon na ngayon na ang tamang panahon ng pagkakaisa at hiniling nito mga advocates na tumulong upang ipagmalasakit ang kapakanan ng mga OFWs dahil sila ang tinaguriang mga bayani ng bansa.
Samantala pinasalamatan ni Atty. Castillon si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnel Ignacio sa ipinakitang pagsuporta sa adbokasiya ng SWARM nang dumalo sa naturang pulong.
Handang handa aniya ang OWWA sa pagbibigay ng kaukulang tulong para sa mga OFW kasabay ng pagmamalaki sa ilang pagbabago sa loob ng ahensya upang lalong maghatid ng magagandang serbisyo at programa. (Bhelle Gamboa)