LPA, Habagat magpapaulan sa malaking bahagi ng Luzon
Makararanas ng pag-ulan ang malaking bahagi ng Luzon dahil sa Low Pressure Area (LPA) at Southwest Monsoon.
Ayon sa PAGASA, ang LPA ay huling namataan sa layong 210 kilometers northeast ng Tuguegarao City, Cagayan o sa layong 160 kilometers east ng Calayan, Cagayan.
Habang apektado naman ng Habagat o Southwest Monsoon ang western sections ng Northern at Central Luzon.
Dahil sa Habagat at LPA, makararanas ngayong araw ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Batanes, Cagayan, Isabela, Zambales, Bataan, Aurora, at Quezon.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin naman na may isolated na pag-ulan ang mararanasan sa Metro Manila at sa nalalabi pang bahagi ng bansa dahil sa Habagat at localized thunderstorms. (DDC)