Newsnet hindi na puwedeng makagamit ng frequency matapos ma-expire ang prangkisa
Hiniling ng National Telecommunications Commission (NTC) sa pamamagitan ng Office of the Solicitor-General (OSG) na baligtarin ang naging pasya ng Court of Appeals (CA) noong July 20, 2022.
Sa nasabing pasya ng CA, pinaburan ang petition for mandamus na inihain ng News and Entertainment Network Corporation (Newsnet) na naglalayong atasan ang NTC na sundin ang Declaration of Completeness and Order of Automatic Approval ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) pabor sa Newsnet.
Sa inihaing Motion for Reconsideration, sinabi ng OSG na hindi na umiiral ang naturang kautusan ng ARTA dahil ang Feb. 12, 2020 order nito ay binawi na sa bagong ARTA order na inilabas na June 17, 2022.
Sa panibagong kautusan ng ARTA, isinantabi na ang Feb. 12, 2020 Order. Dahil dito ayon sa OSG, non-existent na ang February 12 order ng ARTA.
“Following the directives laid down in Secretary of Justice Resolution in OSJ Case No. 01-2020 dated July 9, 2021 which has become final and executory, the said Declaration of Completeness and Order of Automatic Approval dated February 12, 2020 are hereby set aside.” nakasaad sa bagong ARTA order.
Una nang nagpalabas ng resolusyon ang Department of Justice (DOJ) kung saan sinasabing ang ARTA ay walang otorisasyon na magpalabas ng Declaration of Completeness at hindi rin nito maaring atasan ang NTC na mag-isyu ng Certificate of Public Convenience (CPC).
Sinabi ng OSG na ang naturang resolusyon ng DOJ ay naging final and executory na base sa deklarasyon ng Office of the President (OP).
“Accordingly, the Resolution of this Office dated 08 February 2022 is hereby declared FINAL and EXECUTORY. Where appropriate, let the records of this case be remanded to the Department of Justice for its proper disposition.” nakasaad sa Order ng OP.
Sinabi pa ng OSG na angprangkisa ng Newsnet sa ilalim ng R.A No. 8197 ay napaso na noong August 9, 2021.
Ang kabiguang ma-renew ang prangkisa ng Newsnet ayon sa OSG ay nangangahulugan ding nawalang bisa na ang kanilang permits at licenses.
Ipinaliwanag ng OSG sa korte na dahil na-expire na ang prangkisa ng Newsnet, hindi na rin maaaring aprubahan ng NTC ang aplikasyon nito para sa CPC at sa paggamit ng frequencies.
Ang CATV system ng Newsnet ay gumagamit ng Local Multi-Point Distribution System (LMDS), isang wireless service na ginagamitan ng wireless frequency spectrum para maipasa ang signal nito sa mga subscribers.
Sinabi ng OSG na kinakailangan ang legislative franchise bago makapag-isyu ang NTC ng otorisasyon sa Newsnet to upang makagamit ng radio frequencies salig sa Act No. 3846, (Radio Control Act), Section 1.
Sa nasabing batas nakasaad na “No person, firm, company, association or corporation shall construct, install, establish, or operate a radio station within the Philippine Islands without having first obtained a franchise therefor from the Philippine Legislature.”
At dahil 1997 Provisional Authority (PA) ng Newsnet at 2014 Application nito para sa PA ay wala nang bisa nang mapaso ang kanilang prangkisa, hindi na rin ito maaring gumamit ng frequencies na unang nai-assign sa kanila.