Mga paaralang naapektuhan ng lindol sa Ilocos Sur binisita ng DepEd
Bumisita ang Department of Education (DepEd) sa Ilocos Region para personal na makita at malaman ang sitwasyon ng mga paaralang napinsala ng magnitude 7.0 na lindol, kamakailan.
Sa pangunguna ng Quick Response and Recovery Team ng Kagawaran na pinamumunuan ni Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) Director Ronilda Co katuwang ang Regional Office at mga Schools Division Offices, binisita ng grupo ang nasa 28 paaralan sa rehiyon.
Sinuri ng mga engineer ang kalagayan ng mga silid-aralan at iba pang pasilidad na naapektuhan ng kalamidad.
Matapos ang pag-iikot sa mga paaralan, iprinisinta ng QRRT sa exit conference ang kanilang naging obserbasyon, rekomendasyon at mga susunod na hakbang upang matugunan at mabigyan ng pansin ang pangangailangan ng mga apektadong paaralan.
Kabilang sa QRRT ang mga kawani mula sa Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), Bureau of Learning Resources, School Health Division, Public Affairs Service, Information and Communications Technology Service, at Education Facilities Division. (DDC)