17 blind students sumasailalim sa computer training program
Mayroong 17 junior at senior high school blind students mula sa Luzon kabilang ang Metro Manila ang lumahok sa Computer-Eyes Camp ngayong taon.
Ang programa ay nagsimula noong August 1 at tatagal hanggang August 12 na inorganisa ng National Council on Disability Affairs (NCDA), Resources for the Blind, Inc. (RBI), at IBM Philippines.
Ang daawalng linggong aktibidad ay face-to-face na isinasagawa sa NCDA Disability Resource and Development Center sa Quezon City.
Ang inisyatibang ito ayon sa NCDA ay bilang suporta sa layunin ng administrasyong Marcos para sa digitalization ng gobyerno.
Ayon kay OIC-Executive Director Mateo Lee, Jr. ng NCDA, ang pagkakaroon ng kaalaman at kasanayan sa ICT ay isang mahusay na equalizer para sa mga taong may kapansanan upang maging produktibong miyembro ng lipunan, ito ay nakakatulong sa kanila na makapag-aral nang mag-isa at makapagtrabaho.
Sinabi rin ni Director Lee na ang mga visually impaired ay magkakaroon ng pantay na oportunidad sa trabaho sa digital workforce, lalo na sa mga kabataan kung mayroon silang kasanayan sa ICT.
Ang pagdaraos ng Computer-Eyes Camp ay sinimulan noong 2001 ng RBI na layong magbigay ng workshop sa computer sa mga visually impaired na mag-aaral sa mga makabagong aplikasyon sa computer pati na rin ang magkaroon ng kasanayan sa ICT na magsusulong ng mga oportunidad sa trabaho sa sektor ng ICT.
Gamit ang espesyal na software, matututunan ng mga kalahok ang mga pangunahing konsepto ng mga computer tulad ng mga kasanayan sa keyboarding, at ang paggamit ng software ng screen reader na tinatawag na Non-Visual Desktop Access (NVDA).
Matututuhan din ng mga participants-trainee sa taong ito kung paano i-access ang mga application ng Windows Office tulad ng Word, Spreadsheet, at Powerpoint, pamahalaan ang mga file at folder pati na rin ang internet navigation para sa kanilang mga research work. (DDC)