Mahigit 800 pang kaso ng BA.5 Omicron subvariant naitala sa bansa
May na-detect pang 816 na kaso ng BA.5 Omicron subvariant sa bansa ayon sa datos ng Department of Health (DOH).
Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, lahat ng rehiyon sa bansa ay nakapagtala ng kaso ng BA.5 subvariant maliban lamang sa BARMM.
May naitala ding 12 returning overseas Filipinos na tinamaan ng BA.5.
Sa 816 na kaso, 560 ang fully vaccinated habang inaalam pa ang vaccination status ng iba pa.
Tatlo sa mga pasyente ang nakitaan ng moderate na sintomas habang inaalam pa kung nakaranas din ba ng sintomas ang 813 pa.
Sinabi ni Vergeire na 686 sa mga pasyente ay gumaling na, 78 ang sumasailalim pa sa isolation at 52 ang bineberipika pa.
Samantala, nakapagtala din ang DOH ng 42 pang kaso ng BA.4 Omicron subvariant at 52 kaso ng BA.2.12.1 Omicron subvariant. (DDC)