Mga nahalal na opisyal sa Montalban, Rizal nanumpa na sa puwesto
Nanumpa na sa puwesto ang mga halal na opisyal sa bayan ng Montalban sa lalawigan ng Rizal.
Pinangunahan ni Rizal Gov. Nina Ynares ang panunumpa sa mga nahalal na lokal na opisyal kabilang ang mayor, vice mayor at mga konsehal.
Kasama sa nanumpa si Retired General Ronnie Evangelista bilang bagong mayor ng Montalban.
Sa kaniyang inaugural address sinabi ni Evangelista na ngayong tapos na ang eleksyon, dapat nang magkaisa ang lahat kabilang ang mga miyembro ng pamilya, magkakaanak, at magkakaibigan na nagkaroon ng pagkakahati-hati dahil sa hindi pareho ang sinuportahan nilang kandidato.
Siniguro ni Evangelista ang transparency sa ilalim ng kaniyang pamumuno dahil susi aniya ito para masawata ang korapsyon.
Karapatan aniya ng mga mamamayan na malaman ang lahat ng nangyayari sa munisipyo lalo na ang mga may kaugnayan sa pondo.
Sinabi ni Evangelista na ang pagpili ng taumbayan ng mga manunungkulan sa Montalban ay kanilang susuklian ng mabuting pagseserbisyo. (DDC)