NCMF bumuo ng Quick Response Team para tulungan ang halos 400 Pinoy Hajj Pilgrims na stranded sa NAIA
Nagpatawag ng emergency meeting ang National Commission for Muslim Filipinos para matugunan ang pagkaka-stranded sa NAIA ng halos 400 Pinoy na dadalo sa Hajj pilgrimage sa Saudi Arabia.
Ayon kay NCMF Commissioner Michael Mamukid, bumuo ng Hajj Quick Response Team na tutugon sa mga isyu na may kaugnayan sa Hajj.
Bumuo din ng sub-committees na tututok sa relief operations, hotel accommodations, at transportation ng mga stranded na Hajj pilgrims at sa pakikipag-ugnayan sa travel agencies, service providers, at donors.
Tiniyak ni Mamukid na ang mga stranded pilgrims ay pagkakalooban ng makakain, hotel accommodations, at sasagutin din ng NCMF ang dagdag na bayarin sa pagpapa-rebook ng kanilang flight.
Ayon sa NCMF tumutulong din sa mga pilgrims si senator-elect Robin Padilla ang tanggapan ni Senator Bong Go, DSWD, at ang Provincial Government ng Lanao del Sur.
Ayon sa NCMF nabayaran na ng ahensya ang pilgrimage fee ng mga Pinoy na lalahok sa Hajj pilgrimage na nagkakahalaga ng mahigit $5.77 milyon na naibigay sa East London Mosque (ELM) noon pang June 17 para sa pilgrimage fee ng 3,500 Filipino pilgrims.
Paliwanag ng NCMF, kaya hindi nakaalis ang mga delegado ay dahil naantala ang release ng kanilang visa at pasaporte bunsod ng pagsasara ng Hajj portal kung saan nakukuha ang Hajj visa.
Noong June 16, 17, at 18 ay may nauna nang mga delegado ang nakaalis ng bansa. (DDC)