MMDA naglunsad ng isa pang motorcycle at bicycle repair station sa EDSA
Inilunsad ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang isa pang motorcycle at bicycle repair station sa ilalim ng Quezon Avenue flyover.
Ito na ang ikatlong repair station para sa mga motorsiklo at bisikleta kabahaan ng EDSA, na bukas simula 5:00 ng umaga hanggang 9:00 ng gabi.
Mayroon itong basic repair at vulcanizing tools at trained MMDA personnel na tutulong sa mga rider na nasiraan ng bike o motorsiklo sa kalsada.
Sa kasalukuyan ay mayroong dalawang repair stations na matatagpuan sa EDSA at mayroon ding isa pa sa Roxas Boulevard.
Sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na magdaragdag pa sila ng repair stations sa strategic locations sa Metro Manila kung saan karaniwang dumadaan ang mga siklista at motorcycle riders.
Pinayuhan din ni Artes ang mga siklista na tumalima sa road safety measures habang binalaan ang mga motorcycle riders na pumapasok sa bike lanes na huhulihin sila sa pamamagitan ng “no contact apprehension policy” ng ahensya. (Infinite Radio Calbayog)