NOW Media nagsampa ng kaso sa NTC matapos suspendihin ng Ombudsman ang ARTA
Matapos lumutang ang isyu ng graft at korapsyon sa pagitan ng mga opisyal ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na pinangungunahan ni Director General Jeremiah Belgica at ng NOW Telecom Company, Inc. (NOW) na pagmamay-ari ni Mel Velarde ay bumwelta rin ng kaso ang NOW laban sa National Telecommunications Commission (NTC) sa pamamagitan ng media affiliates nito.
Hiling ng NOW media affiliates na NOW Cable, Inc. (NCI) at News and Entertainment Network Corp. (News net) na masuspinde rin ang NTC.
Anim na buwang suspensyon ang ipinataw ang apat pang ibang direktor ng ARTA na sina Eduardo Bringas, Sheryl Sumagui, Jedrek Ng at Melamy Salvadora-Asperin maliban kay Belgica.
Ang nasabing suspensyon ay dahil sa kanilang mga kinakaharap na kasong Grave Misconduct, Gross Neglect of Duty at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.
Sa Order na inilabas ng Office of the Ombudsman, sinabi nito na: “The evidence on record shows that the guilt of respondents JEREMIAH B. BELGICA, EDUARDO V. BRINGAS, SHERYL PURA SUMAGUI, JEDREK C. NG and MELAMY A. SALVADORA-ASPERIN
is strong and the charges against them involve Grave Misconduct, Gross Neglect of Duty and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service which may warrant removal from the service.”
Ayon sa Ombudsman, maaari umanong umabot sa pagkakatanggal sa serbisyo ang maling pagpabor ng mga direktor ng ARTA sa NOW.
Ang kanilang inisyu na Resolution at Order of Automatic Approval na nagbibigay ng Contingent Frequencies pabor sa NOW noong March 1, 2021 ay ebidensya umano ng kanilang matinding paglabag.
Itinanggi naman ni Belgica ang kanyang involvement sa nasabing mga resolusyon dahil hindi naman umano siya pumirma sa mga ito.
Ang pinag-uugatan ng kasuhan ay ang frequency na iginawad ng Duterte administration sa napiling third telco na DITO Telecommunity Inc. na pilit ipinapagawad ng ARTA sa NOW base sa mga resolusyon ng ARTA.