Mahigit 70 importers at customs brokers kinasuhan ng BOC
Tatlumpung kasong kriminal ang naisampa na ng Bureau of Customs (BOC) sa unang quarter ng taon laban sa mga tiwaling importers.
Maliban sa kasong kriminal, kinasuhan din ng administratibo ang mga nasasangkot na importers at mga customs broker na lumabag sa batas at mga regulasyon ng ahensiya.
Ayon sa BOC, 24 na kasong kriminal ang naisampa sa Department of Justice mula Enero hanggang Marso 2022 laban sa 73 katao na kinabibilangan ng importers, exporters at customs brokers dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10863, o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at iba pang batas.
Mayroon namang anim na kasong administratibo ang idinulog sa Professional Regulation Commission o PRC, laban sa ilang licensed customs brokers.
Sa datos ng Bureau’s Action Team Against Smugglers o BATAS, nagkakahalaga ng P160.4-M ang smuggled na sigarilyo; P131.4-M ang produktong agrikultura; P49.4-M ang mga sasakyan; P7.7-M ang general merchandise; at P7.2-M ang iba pang commodity.
Ayon kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, tuloy ang giyera ng bureau laban sa smuggling at mga indibiduwal na sangkot sa mga anomalya sa ahensiya. (DDC)