Chris Rock nakatikim ng sampal kay Will Smith sa kasagsagan ng pag-ere ng Oscars
Naging kontrobersyal ang Oscars dahil sa hindi inaasahang insidente na nangyari habang nagpapatuloy ang telecast nito.
Nakatikim kasi ng malutong na sampal si Oscars presenter Chris Rock mula kay Will Smith makaraang hindi magustuhan ni Smith ang biro ni Rock sa asawa nitong si Pinkett Smith.
Habang nagpi-presenta si Rock para sa “best documentary” nagbiro ito at sinabing “Jada I love you, ‘G.I Jane 2’ can’t wait to see it”.
Kita sa camera na hindi nagustuhan ni Pinkett Smith ang biro ni Rock.
Si Pinkett Smith ay nakararanas ng autoimmune disorder na “alopecia” na naging dahilan ng pagkaubos ng kaniyang buhok.
Matapos ang biro ni Rock, kita sa camera na nagtungo sa stage si Smith at sinampal ng malakas si Rock.
Ilang segundong natulala at hindi nakapagsalita si Rock sa nangyari.
Natahimik din ang buong theater dahil sa kanilang nasaksihan.
Nang matauhan si Rock, sinabi nitong “That was the greatest night in the history of television”.
Matagumpay din namang naidaos ang Oscars at naiuwi ni Will Smith ang “Actor in a Leading Role” award para sa pelikulang “King Richard”. (DDC)