446 Agrarian Reform beneficiaries sa Palo, Leyte nabigyan ni Pangulong Duterte ng Certificate of Land Ownership
Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng land ownership sa daan-daang Agrarian Reform beneficiaries, kabilang ang mga dating rebelde, sa Palo, Leyte.
Sa inagurasyon ng bagong Leyte Provincial Capitol sa Palo, ipinagkaloob ni Pangulong Duterte ang Certificate of Land Ownership awards sa 446 Department of Agrarian Reform (DAR) beneficiaries.
Sa naturang bilang, 278 ay dati umanong mga miyembro ng New People’s Army.
Pinagkalooban ang bawat benepisyaryo ng 2,000 square meters na lupain mula sa 91.6 hectares na pag-aari ng pamahalaan sa Sitio Limite, Brgy. Baja Daku sa San Isidro, Leyte.
Nakatanggap din ang ilang benepisyaryo ng housing units sa Peace And Prosperity Village sa bayan ng San Isidro.
Samantala, ang pinasinayaan na Leyte Provincial Capitol ay kapalit ng lumang Provincial Capitol sa Tacloban City na nagtamo ng structural damage mula sa super typhoon Yolanda noong 2013 at malakas na lindol noong 2019.
Sa statement ng pamahalaan, ang limang palapag na istruktura ay itinayo sa halagang 855.5 million pesos. (LSR / Infinite Radio Calbayog)