PNP chief pinatutukoy ang anggulo sa bigong ambush sa alkalde ng Infanta, Quezon
Inatasan ng Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos ang lahat ng kapulisan na alamin ang lahat ng angulong maaring may kinalaman sa bigong pananambang sa buhay ni Infanta Mayor Filipina Grace America.
Ayon kay Carlos, hindi rin dapat balewalain ang posibilidad na election related violence ang nangyari dahil sa nalalapit na 2022 National and Local.
Nabatid ding malala ang problema ng quarrying sa nasabing lugar.
Sa panayam kay America, naniniwala itong may bahid ng pulitika ang pananambang sa kaniya.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
Sinabi ni America na maaring ang mga kalaban ni Quezon Province Governor Danilo Suarez ang nasa likod ng insidente. Si America ay kilalang kaalyado ni Suarez.
Sa ngayon ay wala pa namang hawak na ebidensya ang PNP na direktang magsasabi na iringan sa pulitika ang motibo sa krimen.
Binilinan naman ng PNP chief ang kaniyang mga tauhan mula sa mga kaduda-dudang taong magtatangkang ilihis ang imbestigasyon para lang sa pansariling agenda.
Noong 2019 pinaslang ang dating driver ng alkalde na si Michael Cuento at tatlo pang indibidwal.
Si Michael umano ang target ng pamamaril dahil magkabilang beses itong pinaputukan nang malapitan ng mga salarin.
Sa panayam noon kay America, pinabulaan nito ang anggulo ng pulitika kahit na nangyari ang insidente ng pamamaril noong 2019 Midterm Elections.
Ayon sa kaniya, ang motibo sa pagpaslang sa dati nitong driver ay dahil sa quarrying sa lugar kung saan ang biktima ay isang quarry permit holder.
Sinabi rin ni America na may nauna nang pagbabanta sa buhay ni Cuento noong 2016 National Elections.