Sen. Bong Go, sinegundahan ang panawagan ni Pangulong Duterte na magpa-booster laban sa COVID-19

Sen. Bong Go, sinegundahan ang panawagan ni Pangulong Duterte na magpa-booster laban sa COVID-19

Sinegundahan ni Senator at Chair ng Senate Committee on Health Christopher “Bong” Go ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na magpaturok ng booster sa sandaling maari na silang tumanggap bilang karagdagang proteksyon laban sa COVID-19.

Sa kanyang Talk to the People address, pinayuhan ng Pangulo ang mga kuwalipikado na magpabakuna na ng booster, dahil mababa pa ang rate ng mga tumanggap ng additional shots.

“Magpa-booster dose na kayo para sa karagdagang proteksyon laban sa COVID-19 lalo na sa mga variant nito tulad ng Omicron,” sabi ng Pangulo.

“Huwag kayong mangamba dahil ang ating bakuna ay pinag-aralang mabuti ng ating mga eksperto. Ito ay garantisadong dekalidad, ligtas, at higit sa lahat, epektibo,” pagtitiyak niya.

Kaugnay ng apela ng Punong Ehekutibo, sinabi naman ni Go na batay sa datos, ang mga nabakunahan at tumanggap ng booster shot ay malaki ang tsansa na hindi tamaan ng severe cases ng COVID-19.

“Hinihikayat ko po ang lahat na magpabakuna lalo na’t bukas na ang programa sa general population. Pwede na rin magpabooster ang mga qualified. Nasa datos naman na kung sino ang positibo at grabe ‘yung sintomas ay kadalasan sila ‘yung mga hindi pa bakunado,” apela rin ni Go.

Idinagdag ng senador na ang pakikiisa sa national vaccination program ay makatutulong din sa healthcare workers at iba pang frontliners na walang kapagurang nakikipaglaban sa pandemya.

“Kaya ipakita natin ang malasakit sa ating mga frontliners at magpa-schedule na tayo sa pinakamalapit nating vaccination site. Huwag kayong matakot sa bakuna dahil ito ang tanging solusyon para unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay,” saad pa ng mambabatas.

Inihayag din Pangulong Duterte na natutuwa siya na patuloy nang bumababa ang bilang ng daily COVID-19 cases sa Pilipinas.

“Ang mga daily COVID cases natin, pababa nang pababa. (Health Secretary Francisco) Duque has declared that we have surpassed the worst of the Omicron variant,” sabi ng Pangulo.

Binigyan diin ni Go na ang laban sa pandemya ay national undertaking at maaring mag-ambag ang mga Filipino bilang responsableng mga mamamayan.

“Lagi natin alalahanin na hindi kaya ng gobyernong mag-isa ang laban kontra pandemya. Hindi rin kakayanin ng mga frontliners kung patuloy na dadami ang kailangang dalhin sa mga ospital. Preventing the spread of COVID-19 starts with us by being responsible citizens and following health and safety protocols,” saad pa ni Go.

Muli ring nanawagan ang senador sa publiko na palagiang mag-ingat at ipagpatuloy ang pagtalima sa itinakdang health at safety protocols upang mapigilan ang pagkalat ng virus at hindi bumagsak ang healthcare system.

“Kaya let us remain vigilant at sumunod sa mga patakaran. Ugaliing magsuot ng mask, mag-social distancing, maghugas ng kamay, at kung hindi kailangang lumabas ay manatili na lang sa bahay upang maiwasan ang hawaan ng sakit. Magtulungan tayo para hindi bumagsak ang ating healthcare system habang binabalanse natin na pasiglahin muli ang ating ekonomiya,” pagtatapos ni Go.

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *