LOOK: Cataingan Port sa Masbate napinsala sa magnitude 6.6 na lindol
Nagkabitak-bitak ang ilang bahagi ng Cataingan Port sa Masbate matapos ang malakas na lindol sa naturang bayan.
Sa kabila nito, sinabi ng Philippine Cast Guard (PCG) na ligtas ang lahat ng port personnel, tripulante, at mga mangingisda na nasa pantalan noong maganap ang insidente.
Walang ring naitalang aksidente sa karagatan kasabay ng lindol.
Ayon sa Coast Guard Station – Masbate, pansamantalang itinigil ang operasyon ng Cataingan Port habang nagpapatuloy ang safety assessment sa mga kritikal na bahagi ng pantalan.
Pero agad ding nabuksan ang Cataingan Port para sa biyahe ng mga sasakyang pandagat alas 12:00 ng tanghali.
Samantala, naramdaman rin ang malakas na pagyanig sa Coast Guard Regional Training Center sa Masbate kung saan nagsasanay ang 476 na female trainee ng PCG.
Sa kabila nito, walang naitalang ‘casualty’ sa naganap na insidente.
Pagkatapos ng lindol, agad na bumuo ng Deployable Response Group (DRG) ang Coast Guard Station – Masbate para mapabilis ang pagresponde sa Cataingan Port at mga kalapit na lugar.