Mahigit 80 pawikan pinakawalan sa baybayin ng Lucena City
Kasabay ng pagsikat ng bukang liwayway ay pinakawalan ang mahigit 80 mga pawikan sa baybaying dagat ng Barangay Ransohan na pinangunahan ng tanggapan ng Panlungsod na Agrikultor ng Lucena.
Sa pangunguna ni City Agriculturist Officer Mellissa Letargo ay isinagawa ang pagpapakalawa sa tinatawag na mga olive ridley species kasama ang mga Agriculturist na si Jocelyn Guinto at Nikko Bautista katuwang ang ilang mga opisyales ng barangay sa pamumuno ni Kapitan Ricardo Hernandez.
Kwento ng Barangay Kagawad na si Ferdinand ‘Nanding’ Clamor, ang mga itlog ng pawikan ay nakita ng isang residente ng kanilang lugar kaya’t agad namang nakipagtulungan ang barangay sa Agriculturist Office upang mabigyan ng sapat na kalinga ito hanggang sa mapisa.
At matapos nga ang ilang araw na pag-aalaga ay naganap na ang hatching mga pawikan at pinakawalan na rin sa baybaying dagat ng Ransohan ang mga nasabing sea turtle.
Sa naging pakikipag-usap ni Letargo sa mga opisyales ng barangay sinabi nito na kung may mga pawikan o mga ito nito na mapapadpad sa nabanggit na lugar ay ipagbigay alam sa kanilang tanggapan upang ang mga ganitong uri ng endangered species ay maalagaan at mapadami upang mapayaman ang karagatan.
Samantala, isa lamang ang olive ridley sea turtle na mga nagtutungo sa ilang mga coastal area sa Lucena kung saan ay nagpapatunay ito na mayaman ang mga dagat na sakop ng Lungsod ng Lucena. (Jay-Ar Narit)