Maynila bumili ng 2,000 vials ng remdesivir para gamutin ang mga pasyente ng COVID-19
Bumili ang pamahalaang Lungsod ng Maynila ng 2,000 vials ng remdesivir-na ginagamit para gamutin ang mild, moderate at severe patients ng COVID-19.
Kapwa inanunsiyo nina Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso at Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan araw ng huwebes ang P13 million halaga na ipinambili ng lokal na pamahalaan ng Maynila para sa naturang vials.
Sabi ni Domagoso, sa halagang P6,500 ay nabili nila ang kada piraso ng vial, mas mababa sa orihinal na presyo nito na aabot sa halos P20,000 bawat isa.
Paliwanag pa ng alkalde, ang vials ay gagamitin para palakasin ang pagsusumikap ng Maynila na makapagbigay ng mas mahusay na medical treatment para sa COVID-19 patients na naka-confined sa mga ospital sa Maynila.
“Mapalad po tayo na nakuha lang natin ito nang P6,500. Gumastos po ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng P13 million. Pera niyo po iyon, P13 million na maaaring makapagligtas,” Sabi ni Domagoso.
“Kung saka-sakali kakailanganin pa, bibili pa po tayo, mapangalagaan lang namin kayo, mapataas lang namin ang probabilidad na kapag kayo ay na-infect ng COVID-19, kayo ay mag-recover,” wika pa ng alkalde.
Gayunman, nilinaw ni Domagoso na ang remdesivir ay hindi bakuna kundi isa lamang life-saving antiviral medication para sa mild, moderate at severe cases ng COVID-19.
“Hindi po ito vaccine pa, doon ay naghanda na tayo ng 200 Million… ito po binili natin na humigit kumulang P13 million lang, pero ‘yung probability na lalong maka-recover ‘yung ating pasyente ay gaganda, hindi garantiya, pero gaganda,” saad ng Alkalde.
Iginiit naman ni Vice Mayor Lacuna-Pangan, na ang remdesivir ay gagamitin lamang sa mga hospitals. Ang naturang gamot ay hindi mabibili over-the-counter.
“Sa ospital lang po ito ginagamit, hindi po ito sa bahay ginagamit, para po ito sa atin pong mga pasyente na mayroong mild, moderate or severe na mga sintomas,” wika ni Lacuna-Pangan.
“Napapaigsi po nito yung panahon ng pagkakaroon ng sakit, at nababawasan po yung sintomas. Kaya minabuti po ng ating Mayor na lahat po ng anim na ospital natin ay magkaroon na po tayo ng remdesivir nang sa ganon po ay maagapan naman po natin yung ating mga pasyente na very risky yung kanilang sitwasyon,” Saad pa nito.