LOOK: Tambak na mga tsinelas napadpad sa baybayin ng Navotas galing sa Manila Bay
Ipinakita ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) – National Capital Region ang tambak na mga tsinelas at iba pang basura na galing sa Manila Bay.
Ang mga basura ay ipinakita ni DENR National Capital Region Regional Executive Director Jacqueline A. Caancan, nang siya ay bumisita sa Tanza Marine Tree Park sa Navotas City.
Ginawa ni Caancan ang pagbisita matapos matanggap ang mga ulat may tambak na mga basura sa naturang lugar na tinangay ng alon mula Manila Bay.
Ayon kay Caancan ang coast ng Manila Bay ay binubuo ng 21 munisipalidad at 10 lungsod kabilang ang Navotas City.
Ang mga tambak na basura ay kinabibilangan ng mga tsinelas, plastik at iba pa na ayon kay Caancan ay hindi lamang sa Navotas City galing kundi sa iba pang lugar sa Metro Manila.
Maari ding galing ang mga basura sa walong mga lalawigan na ang kanilang mga tubig ay dumederetso sa Manila Bay.
Sinabi ni Caancan na bagaman ginagawa ng kanilang regional office ang lahat para malinis ang Manila Bay mahalaga pa rin ang kooperasyon at tulong ng mga residente sa iba’t ibang lalawigan.
Apela ni Caancan sa halip na agad itapon ang mga lumang tsinelas, humanap ng paraan upang ito ay mai-reuse o mai-recycle. (DDC)