US President Joe Biden tumanggap na ng booster shot ng COVID-19 vaccine
Tumanggap na ng kaniyang booster shot ng COVID-19 vaccine si US President Joe Biden.
Ang pagbabakuna kay Biden ay ipinakita ng live sa telebisyon.
Ito ay kasunod ng pahayag ng Centers for Disease Control and Prevention ng Amerika na available na ang booster shots para sa milyun-milyong mamamayan nila na nakatanggap ng kanilang second shot ng Pfizer vaccine sa nakalipas na anim na buwan.
Sa kaniyang pahayag sinabi ni Biden na mahalaga ang booster shots, pero na nakatutuok pa rin ang kanilang pamahalaan sa target na mabakunahan ang nalalabi pang mamamayan na hindi nagpapabakuna.
Ayon kay Biden mayroon pang 23% Americans ang hindi pa nakatatanggap ng first shot.
Kung hindi aniya magpapabakuna ang nasabing bilang ng kanilang mamamayan ay manananatiling hindi ligtas ang buong Amerika.
Sa pahayag ng CDC inirekomenda nitong tumanggap ng booster shots ang mga edad 65 pataas, mga mamamayan na nasa long-term care settings at mga edad 50 hanggang 64 na may underlying medical conditions.
Maari ding tumanggap ng booster shots ang mga edad 18 hanggang 49 na mayroong underlying medical conditions at mga edad 18 hanggang 64 na may posibilidad ng exposure dahil sa kanilang trabaho. (DDC)