Post ng mga parokya sa Metro Manila tungkol sa “pabago-bagong” pasya ng gobyerno sa quarantine measure viral sa social media
Viral ngayon sa social media ang post sa Facebook ng mga parokya sa Metro Manila hinggil sa pabago-bagong pasya ng pamahalaan sa ipatutupad na community quarantine classification.
Kasunod ito ng pagbawi ng Inter Agency Task Force sa naunang pahayag na magpapatupad na ng General Community Quarantine sa Metro Manila simula ngayong araw September 8.
Sa halip ay pinalawig pa ng IATF ang pag-iral ng MECQ sa NCR hanggang September 15.
Sa anunsyo ng Paco Church sa Maynila, sinabi nitong hindi pa rin matutuloy ang pampublikong misa dahil sa pabago-bagong desisyon ng gobyerno.
Ayon sa pahayag, mananatili ang suspensyon ng public masses hanggang sa maging maayos ang desisyon ng IATF.
Ito naman ang post ng San Antonio de Padua Parish sa ilalim ng Diocese of Cubao, “Lumaban po kahapon, pero bumawi po ngayon. Dahil po sa pabago-bagong desisyon ng gobyerno, hindi muna matutuloy ang mga pampublikong misa sa ating parokya”.