Mga residente ng QC na hindi nakatanggap ng ECQ ayuda mula sa pamahalaan bibigyan ng P2,000 tulong-pinansyal ng LGU
Makatatanggap ng one-time na P2,000 cash assistance ang mga residente ng Quezon City na hindi napasama sa ECQ ayuda ng pamahalaan.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, ang tulong-pinansyal ay sa ilalim ng KAlinga QC Program ng lokal na pamahalaan.
Prayoridad sa tulong-pinansyal ang mga naninirahan sa Quezon City na hindi nakatanggap ng ayuda mula sa ECQ financial assistance ng national government.
Kabilang sa magiging benepisyaryo ang mga hindi nakatatanggap ng kanilang regular na sweldo at mga self-employed na naapektuhan ng pag-iral ng ECQ.
Inatasan ang Social Services Development Department (SSDD), Barangay Community Relations Department (BCRD), Public Employment Services Office (PESO) at ang Business Permits and Licensing Department (BPLD) na ipatupad ang programa. (DDC)