Sara Duterte at Pangulong Rodrigo Duterte nanguna sa presidential at vice presidential survey – OCTA
Ang tambalan nina Davao City Mayor Sara Duterte at kaniyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte ang nanguna sa presidential at vice presidential survey na isinagawa ng OCTA Research noong buwan ng Hulyo.
Ang Tugon ng Masa National Survey ay isinagawa ng OCTA mula July 12 hanggang 18 kung saan lumitaw na 28 percent ng adult Filipino respondents ang nagsabing suportado nila si Mayor Sara sa posibleng presidential bid nito sa 2022 elections.
Kasunod ni Mayor Sara sa survey sina dating senador Bongbong Marcos (13%), Manila Mayor Isko Moreno (11%), at sina Senators Grace Poe (10%) at Manny Pacquiao (10%).
Pasok din sa presidential poll sina Vice President Leni Robredo, Taguig-Pateros Representative Alan Peter Cayetano, at Senator Christopher “Bong” Go na pawang nakakuha ng tig-5%; Senate President Vicente Sotto III – 3%; Senator Panfilo Lacson – 2%; dating vice president Jejomar Binay – 2%; at sina Senator Richard Gordon at dating Senador Antonio Trillanes na kapwa nakakuha ng 1%.
Sa natura ding survey, 18% ang nagsabing susuportahan nila ang posibleng vice presidential bid ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Moreno naman ang nasa ikalawang pwesto sa vice presidential polls na nakakuha ng 11%, ikatlo si Taguig-Pateros Representative Alan Peter Cayetano – 10%, sunod si Poe – 10%, at Marcos – 9%.
Si Sen. Sotto ay mayroong 7%, Pacquiao – 6%, Escudero – 5%, at sina Go at Lacson na kapwa may 4%.
Ang non-commissioned survey ay mayroong 1,200 respondents.