2 Delta variant cases ng COVID-19 naitala sa lungsod ng San Juan
Kinumpirma ni San Juan City Mayor Francis Zamora na mayroon nang dalawang COVID-19 Delta variant cases sa kanilang lungsod.
Ang dalawang nagpositibo sa Delta variant ay isang 9 na taong gulang at isang 25 anyos.
Kapwa sila naka-recover na matapos sumailalim sa 14 na araw na quarantine.
Ang magulang ng 9 anyos na pasyente ay kapwa din nagpositibo sa COVID-19 pero parehong aymptomatic.
Ayon kay Zamora, nalaman nilang Delta variant ang dumapo sa dalawang pasyente halos isang linggo matapos nilang makumpleto ang kanilang quarantine.
Ito ay dahil tanging ang Philippine Genome Center lamang aniya ang may kapasidad na makapagsagawa ng Genome Sequencing.
Sinabi ni Zamora na istrikto nang ipinatutupad ang lahat ng health and safety protocols at nagsasagawa na ng masusing contact tracing.