Publiko pinaiiwas ng DOH sa pagtitipun-tipon at pagtungo sa matataong lugar ngayong araw ng SONA ng pangulo
Pinaiiwas ng Department of Health (DOH) ang publiko sa pagtitipun-tipon o pakikihalubilo sa matataong lugar ngayong araw ng State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa abiso ng DOH, bagaman kinikilala ng kagawaran ang karapatan ng bawat isa sa malayang pamamahayag, hindi rin dapat isantabi ang kaligtasan ng bawat isa lalo na at nakapagtala na ng local transmission ng Deltra variant ng COVID-19 sa bansa.
Paalala ng DOH, sa mga nais lumahok sa mga pagkilos ngayong SONA ay gawin na lamang ito sa pamamagitan ng social media o iba pang online platform.
Kung hindi maiiwasang lumabas, dapat magsuot lagi ng face mask at face shield, maghugas lagi ng kamay at i-sanitize ang mga gamit.
Tiyakin din na maayos ang daloy ng hangin sa lugar kung saan may pagtitipon at dapat limitahan sa hindi hihigit sa 15 minutong mga pagtitipon.
Para sa mga dadalo sa pagtitipon ngayong araw, kailangang obserbahan ang sarili sa posibleng pagkakaroon ng mga sintomas gaya ng lagnat, pananakit ng ulo, ubo, panghihina at iba pa.