Conflict-affected communities sa Basey, Samar tumanggap ng tulong mula kay Senator Bong Go
Hinatiran ng tulong ng team mula sa tanggapan ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga residente sa Basey, Samar na apektado ng local conflicts sa lugar.
Daan-daang pamilya na nasa ilalim ng Retooled Community Support Program sa liblib na lugar sa Sitio Borabod, Brgy. Mabini ang nakatanggap ng tulong.
Namahagi ang team ni Go ng meals, masks, face shields, at vitamins sa 307 na pamilya.
Mayroon ding mga nakatanggap ng bagong sapatos.
“Thank you po sa lahat ng tumulong sa amin, sa lahat ng gumabay sa amin. ‘Yung tulong po ninyo, ‘yun po ‘yung gagamitin namin para unti-unti ng umahon po, maraming salamat po,” ayon sa residenteng si Leah Centinaje.
Sa kaniyang video message, hinimok ni Go ang mga residente na magpabakuna na, lalo na kung sila ay bahagi na ng priority list.
Pakiusap ni Go, magtiwala sa bakuna dahil ito lamang ang paraan upang makabalik sa normal na pamumuhay.
“Alam ko pong mahirap ang panahon ngayon nasa krisis po tayo dulot po ng COVID-19 pandemic. Mga kababayan ko, ang bakuna po ang pag-asa natin dito. Magtiwala ho kayo sa bakuna, ang bakuna po ang tanging susi para unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay,” saad ni Go.
Sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation program, ang mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development ay namigay ng pinansyal sa bawat benepisyaryo.
Habang ang Department of Trade and Industry ay nagsagawa ng assessment sa mga maaring makatanggap ng tulong sa ilalim ng kanilang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa program.
May mga kinatawan din ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na nag-alok ng scholarship grants.
Habang ang Office of Civil Defense ay namahagi ng health kits.
Samantala, pinayuhan ng senador ang mga nangangailangan ng atensyong medikal na lumapit sa Malasakit Center sa Samar Provincial Hospital sa Catbalogan City.
Sa ilalim ng Malasakit Centers Act, lahat ng ospital sa bansa na nasa ilalim ng Department of Health, gayundin ang Philippine General Hospital, ay kailangang magkaroon ng Malasakit Center para sa convenient access sa medical assistance programs ng DOH, DSWD, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.
Samantala, bilang vice chairman ng Senate Finance Committee, isinusulong din ni Go ang paglalaan ng sapat na pondo sa iba’t ibang proyekto sa lalawigan gaya ng rehabilitasyon at improvement ng Farm-to-Market Road sa Brgy. New San Agustin hanggang Brgy. Cogon at konstruksyon at pagsasaayos ng Access Road mula Literon-Antol sa Calbiga hanggang Canlobo-Layo-Magdawat-Pelaon Pinabacdao hanggang Mabini sa Basey, na nagdudugtong sa Lulugayan Falls, Kanyawa Cave, Macatingol Cave at Sohoton Cave.
Suportado din ni Go ang mga pagsaayos ng kalsada at iba pang public structures sa Samar gaya ng pagtatayo ng multi-purpose hall sa Catbalogan City at Tarangnan; concreting ng kalsada sa Daram; konstruksyon ng farm-to-market roads sa Pinabacdao; konstrusyon ng shoreline protection sa Tagapul-an; at konstrusyon ng public park sa Tarangnan.
“Mga kababayan ko, kaunting tiis lang po. Alam kong nahihirapan po kayo, kami rin po ni Pangulong Duterte ay nahihirapan din po. Subalit kayo po ang nagbibigay lakas sa amin para malampasan po natin itong krisis na ating kinakaharap,” ayon pa sa senador.
Noong June 12, nagtungo din sa Basey ang outreach team ni Go para hatiran ng tulong ang mga pamilyang nasunugan.