Energy Sec. Alfonso Cusi pinatalsik sa PDP-Laban
Pinatalsik ni Acting PDP-Laban President, Senador Manny Pacquiao sa partido sina Energy Secretary Alfonso Cusi na siyang vice chairman at Deputy Secretary-General Melvin Matibag.
Bukod sa dalawa, pinasibak rin ni Pacquiao si Astra Naik na siyang membership committee head ng ruling party.
Ang pagpapatalsik sa tatlo ay bunga umano ng paglabag nila sa “by-laws and constitution” ng ng PDP-Laban.
Sa statement na inilabas ni PDP-Laban Executive Director Ron Munsayac, nagpasya si Pacquiao at ang PDP-Laban National Executive Committee (NEC)— na pinakamataas na administrative at executive body ng Lapian— na tanggalin sina Cusi, Matibag at Naik dahil sa pagpapakita nila “katapatan” sa “isa pang partido politikal”–maliban sa PDP-Laban.
Naglabas din ng resolusyon ang NEC na nagbibigay kapangyarihan kay Pacquiao na bumuo ng investigation committee upang alamin ang reklamo laban sa iba pang kasapi ng partido na maaaring lumabag sa kanilang konstitusyon o gumagawa ng mga hakbang na “inimical to the party” tulad ng pagpapakita ng katapatan sa ibang partido.
Ginawa ni Pacquaio ang pagsibak sa tatlo sa kabila ng nasa Amerika siya habang naghahanda para sa boxing match nila ni Errol Spence Jr. (Infinite Radio Calbayog)